Advertisement

KABANATA 33 – Hanggang Kaibigan Lang Ba?

MIA P.O.V.

 

Nasa bahay na ako, kakauwi ko lang nga. Inihatid ako rito no’ng dalawa. Ang saya ko no’ng pumunta kami sa Mall. Pagkatapos namin maglaro nilibre pa ako no’ng dalawa kumain sa restaurant. Ang suwerte ko naman nilalang dahil naging kaibigan ko ‘yong dalawang iyon.

 

Ay, nakalimutan ko pala na na kay Ethan ko pinahawak ‘yong teddy bear na napanalunan naming tatlo. Pagdating ni BL, hindi ko tuloy agad iyon maibibigay sa kanya pero ayos lang pupunta naman dito si Ethan baka kapag nakita niya dalhin niya.

 

Ayokong maputol ang saya ko ngayon dahil nagising na si BL. Pinag-iisipan ko pa nga kung ano ‘yong igaganti niya sa ‘kin, may pa sekreto-sekreto pa sya. Handa naman ako kahit ano pa man.

 

Pagabi na rin uuwi na rito si Mama at BL sigurado akong dumiretso naro’n si Papa sa hospital pagkatapos niya magtrabaho. Mukhang masama na naman ang panahon, mamaya lang babagsak na ‘yang ulan na ‘yan. Baka maabutan ng ulan sila Mama.

 

Magluluto ako muna para makakain na sila pagdating nila.

 

Hinihintay ko na lang na maluto na ‘yong kanin kasi wala pang ulam, baka may dala naman si Mama o kaya si Papa. Tinitingnan ko muna rito sa lamesa ang marka ko. Matutuwa kaya si Mama at Papa kapag nakita nila ito? Ibang-iba kasi ang marka ko ngayon kaysa no’ng dati.

 

Maglilinis muna ako ng bahay lalo na ro’n sa kuwarto namin at sa kuwarto nila Mama.

 

Nakakapagod rin pala maglinis pero masaya ako dahil may nagawa rin naman ako kahit papaano. Lumamig na rin ngayong gabi dahil umuulan na. Nasa’n na kaya sila Mama?

 

Lumabas na ako sa kuwarto namin dahil tatapon ko pa ‘tong basura sa daspan na hawak ko. Pagkatapos, pupuntahan ko na rin ‘yong niluluto ko.

 

Nagulat ako no’ng makita ko si Mama sa may lamesa hawak ang marka ko. Dumating na pala sila, karga ni Papa si BL habang natutulog sa braso niya. Aalis sana ako kasi napatingin sa ‘kin si Mama pero tinawag niya ako.

 

“Nak, totoo ba ‘to?” tanong ni Mama pagkakita niya sa marka ko.

 

Lumapit si Papa kay Mama dahil curious sya. “Patingin nga. Ano ba ‘yang kanina mo pa tinitingnan na parang gusto mong umiyak?” tanong naman ni Papa.

 

Pagkatingin rin ni Papa, tumingin siya sa ‘kin.

 

“Sorry po, totoo po ‘yan. Sige po, tapon ko lang po ‘tong basura,” sabi ko.

 

Pagkatapon ko pumasok na uli ako. Nakita ko si Mamang siya na ang nag-aasikaso no’ng kakainin namin kaya lumabas na muna ako at umupo ako sa labas.

 

Naging masaya kaya si Mama at Papa nang makita ang marka ko? Hindi ko kasi alam pero sana oo.

 

Habang nagmumuni-muni hindi ko na pansin na lumapit sa ‘kin si Mama kaya napalunok ako.

 

“Nak, pasensya kung nagalit si Mama. Alam mo naman siguro na nadala lang ako sa emosyon ko lalo pa’t nag-aalala ako sa kalagayan ng kapatid mo,” sabi ni Mama habang pinipigilang tumulo ang luha niya.

 

“Naiintidihan ko po, ma. Sorry po talaga dahil sa ‘kin kaya nagkaganito tayo. Pangako po ma, hindi na po mauulit,” emosyonal kong sabi.

 

Hinawakan ni Mama ang kamay ko at tiningnan ako. “Congrats dahil pinagbuti mo ang pag aaral mo. Sobra akong natuwa no’ng makita ko ang marka mo sa lamesa, dapat ipagpatuloy mo at pataasin pa ang gano’ng marka mo, ah. Lagi mong tatandaan proud na proud kami sayo ng Papa mo,” sabi ni Mama.

 

Pinatong ko naman ang isang kamay ko sa kamay ni Mama na nakahawak sa ‘kin. “Gagawin ko po lahat para matumbasan ko lahat ng paghihirap nyo. Hindi ko man po ‘to masabi araw-araw pero mahal na mahal na mahal ko po kayo,” umiiyak kong sabi, hindi ko na kasi mapigilan dahil gusto ng lumabas ng luha ko.

 

Niyakap ako ni Mama. Na-realize ko na kahit ano pa mang mangyari sa buhay namin, magiging matatag pa rin kaming pamilya. Tama nga talaga, hindi magbibigay ang Diyos ng pagsubok na hindi namin kayang harapin lahat ng pagsubok may dahilan at diyan namin mapapagtibay  ang aming samahan.

 

Pumasok na kami ni Mama sa loob. Pinunasan na rin namin ang luha namin. Nagpapasalamat ako dahil nagkaayos kami ni Mama. Sana gano’n din kay Papa.

 

Gising na pala si Baby Lia ngayon, kumain na kami pagkatapos namin manalangin.

 

Napatingin sa ‘kin si Papa. “Nak, pasensya ka na rin sa ‘kin. Nagulat din ako pagkakita ko ng marka mo. Sino ba ang inspirasyon mo dahil naging gano’n kataas ang marka mo, ha?” pambibiro ni Papa.

 

“Pa naman, sorry rin po. Ang sagot ko po sa tanong nyo siyempre walang iba kundi kayo ni Mama,” nakangiting sagot ko.

 

Napatigil sa pagkain si BL, napatingin siya sa ‘kin. Puno ng pagkain ang bibig n’ya pero galit s’ya dahil parang ‘di nya narinig ang pangalan n’ya.

 

“Ah, syempre pati rin si Baby Lia, inspirasyon ko rin ‘yan,”

 

Sabay-sabay kaming nagtawanan.

 

Tumayo si Mama at nilagyan pa ng ulam ang plato namin. “Sige, ito pa. Kumain kayo ng marami ang sarap pa naman ng ulam natin ngayon, adobo,” sabi ni Mama.

 

Umuwi kasi silang may dala ng ulam.

 

Pagkatapos namin kumain, si Mama na raw bahala magligpit.

 

Lumapit sa ‘kin si BL. “Ate, pupunta pa ba rito si Kuya Ethan at Kuya Tristan?” malungkot na tanong niya.

 

“Hindi ko alam, pumunta na tayo sa kuwarto para matulog. Siguro baka bukas na lang sila pupunta rito kasi umuulan,” sagot ko sa kanya.

 

Papunta na sana kami sa kuwarto may narinig kaming cute na tahol ng aso sa may gate. Hala wala naman kaming aso, ah.

 

Tumakbo si BL at kinuha ang payong sa may pinto. Binukas nya ito na parang excited makita kung sino ang nando’n sa gate. Sinundan ko naman siya at kumuha rin ako ng payong.

 

Pagbukas ni BL, si Tristan pala may hawak siyang ng maliit na cute at mabalahibong puting aso.

 

“Wow, ang cute ng aso. Ate, dali tingnan mo,” Sabay tingin sa ‘kin ni BL.

 

Pumunta ako sa may gate.

 

“Tristan, ba’t pumunta ka pa rito, e malakas ang ulan?” tanong ko habang nakatingin sa kanya.

 

Basa kunti ang damit n’ya, may hawak pa kasi s’yang aso at payong.

 

Pinapasok namin si Tristan. Wala naman na sa sala si Mama at Papa baka nasa kuwarto na.

 

Pinaupo ko muna siya at inasikaso ko ‘yong mga basang payong bago lumapit sa kanila.

 

“Ano ‘yan?” tanong ko habang parang ginagawang baby ni BL ang asong dala ni Tristan.

 

“Para sainyo ni BL,” sabi ni Tristan.

 

Wow, ang ganda. May bago ng cute rito sa bahay.

 

“Amin na ba talaga ‘to. Mukhang mamahalin na aso ‘to,” paninigurado ko.

 

“Anak ‘yan ng aso namin na si Kendel. Sainyo na talaga ‘yan para may aso naman kayo rito,” tugon ni Tristan.

 

“Ah, salamat. BL, anong sasabihin mo?” tanong ko sa kanya dahil nilambing n’ya agad ‘yong aso.

 

“Kuya Tristan, puwedeng isa pa,” hirit n’ya.

 

Tinitigan ko si BL ng masama.

 

“Kuya Tristan, salamat po,” sabi nya.

 

Buti naman na sabi n’ya.

 

“Uhm, anong papangalan mo riyan BL?” tanong ko sa kanya.

 

“A, wait mag-iisip ako. Dati no’ng gusto ko magkaaso, gusto kong ipangalan sa kanya, ishie!” masiglang sagot n’ya.

 

Ishie ang gusto n’yang pangalan ng aso. Puwede na rin pagbigyan ang batang ‘yan.

 

“Hello, ishie. Ang cute-cute mo,” kinakausap ni BL ‘yong aso.

 

Nagtawanan na lang kami ni Tristan. Nagulat ako ng may kumatok sa gate.

 

“Ah, tingnan ko lang baka si Ethan na ‘yon,” sabi ko.

 

Pagpunta ko ro’n, binuksan ko agad ang pinto ng gate.

 

Si Ethan talaga. Naka jacket lang s’yang may hood. Napatingin sya sa ‘kin pero napatingin din siya kay BL sa may pinto at kay Tristan.

 

“May bagong kayong aso?” tanong n’ya agad.

 

Napangiti ako. “Ah, Oo, bigay ni Tristan, ngayon-ngayon lang,” sagot ko.

 

Napakamot s’ya sa ulo. “Nakalimutan ko pala dalhin ‘yong teddy bear na bibigay mo kay BL, balikan ko lang,” sagot n’ya at tumakbo papaalis.

 

A, naka-jacket lang ‘yon baka magkasakit s’ya.

 

Hinabol ko si Ethan dahil may payong ako, papabalikin ko na lang s’ya. Pwede naman kasing bukas na lang. Tinawag ko ang pangalan nya pero malakas kasi ang ulan kaya ‘di n’ya narinig ako.

 

Nakita kong naglalakad na lang s’ya no’ng makalayo na s’ya sa bahay namin kaya pinayungan ko s’ya agad. Nagulat nga s’ya.

 

“Wag na lang, bukas mo na lang kunin,” sabi ko.

 

“Ah, hindi kukunin ko,” pagpipilit nya.

 

Pinahinto ko s’ya at hinarangan ko s’ya. Gusto nyang dumaan pero hindi ko s’ya pinapayagan.

 

“Punta na tayo do’n sa bahay namin,” alala kong sabi sa kanya at pilit na pinapayungan s’ya.

 

“Pupunta ako ro’n, mauna ka na may kukunin lang ako,” pagpilit n’ya ulit.

 

“Hindi mo ba iniisip ang sarili mo? Basang-basa ka na. Bukas na lang, please. Ba’t ba kasi ganyan ka?!” tanong ko sa kanya, medyo nataasan ko s’ya ng boses dahil malakas ang ulan baka ‘di nya marinig.

 

“Ganito ako kasi. Ganito ako kasi siguro gusto na kita, Mia!” malakas na sagot niya para marinig ko rin.

 

“A-ano? Pero hindi puwede kasi—” putol kong sabi.

 

“Alam ko at pansin ko na mas gusto mo si Tristan kaysa sa ‘kin. Mas napapansin mo s’ya kaysa sa ‘kin. Nakita kong may binigay s’yang aso sainyo, masaya kayo. Hindi man ako tulad ng aso na tumatahol pero kaya naman kitang ipagtanggol. Sorry kung umamin na ako,” sabi niya.

 

“Pero may gusto na akong iba,” sagot ko.

 

Parang ang sakit naman na sinabi ko ‘yon sa kanya pero gusto kong malinaw para sa kanya.

 

Ba’t ba kasi gusto n’ya ako at kailan pa? Ba’t ‘di ko man lang nahalata. Siguro dahil ang alam ko kaibigan lang ang turing ko sa kanya pero tama s’ya sa sinabi nya. Napansin rin pala ni Ethan na mas gusto ko si Tristan dahil sa totoo lang matagal ko ng gusto si Tristan, hindi ko lang masabi.

 

Umalis na si Ethan alam kong nasaktan ko s’ya ng sobra. Pagtalikod ko para umuwi nakita ko naman si Tristan. Kanina pa ba s’ya riyan?

 

Napalunok ako. “T-tristan,” sambit ko ng pangalan n’ya at pinunas ang luha na muntik ng tumulo.

 

“Pre, hindi ko sinasadyang marinig lahat. Pinuntahan kita rito dahil ang tagal mo. Tama ba si BL, siya na ang nakapagsabi sa ‘kin na gusto mo raw ako?” tanong niya.

 

Hindi ko inaasahan ang sinabi niya pero sinabi ni BL, bakit? Ito na ba ‘yong sinasabi nyang ganti n’ya? Nalulungkot ako ngayon, gusto ko umiyak. Ito na siguro ang araw para ma-voice out ko na rin kay Tristan ang totoo.

 

“Ako ba ‘yong tinutukoy mo kay Ethan? Di ba mali lang si BL, binibiro niya lang ako?” pilit na tanong niya, gusto niya ng kasagutan.

 

Nabitawan ko ang hawak kong payong at pinunasan ko ulit ang luha ko, parang tumigil din sandali ang pintig ng puso ko. Sa sinabi niya halatang hindi niya tanggap na gusto ko siya kasi nais niyang mali ang sinabi ni BL sa kanya.

 

“Pa’no Tristan kung totoo? Pa’no kung gusto nga kita? Gusto mo rin ba ako?! Oo o hindi lang ang isasagot mo,” saad ko sa harap niya.

 

Tumalikod siya sa ‘kin at hindi s’ya nakapagsalita.

 

Alam ko na ang sagot n’ya kaya tumakbo ako papalayo sa kanya. Basang-basa ako at hindi rin tumitigil ang mata ko sa pag-iyak. Ngayon alam ko na ang pakiramdam ni Ethan no’ng binalewala ko s’ya.

 

Sobrang sakit pala na parang pinipilit ang puso mo. May mga bagay talagang dapat sekreto na lang para sa huli ‘di ka masaktan.

Advertisement
Advertisement

All Rights Reserved ©