If They Only Knew
×××
Nagtatawanan kami ng mga kaibigan ko nang muli ko siyang masulyapan. Napatitig ako sa kaniya ng ilang segundo saka siya biglang lumingon sa gawi ko. Dahil sa nangyari ay para akong biglang nanginig, parang biglang lumukso ang puso ko ng bigla niya akong nginitian.
Para hindi niya mapansin na iba ang pagkakatitig ko sa kaniya ay nginitian ko din siya pabalik, at muling kinausap ang kaibigan ko na mukhang kanina pa ako hinihintay na matapos ang pakikipagtitigan ko sa kaniya.
“Baka matunaw ha? Kalmahan mo lang.” Natatawa niyang paalala sa akin sabay inom sa alak na nasa plastic cup na hawak niya.
“Hindi naman siya matututunaw, baka mahulog lang.” Sa sinabi ko ay nagulat na lang kami parehas ng bigla siyang inubo.
Ako naman ay biglang tumawa habang siya naman ay ubo pa rin ng ubo, dahil doon ay napansin siya ng iba pa naming mga kasamahan. Binigyan siya ng tubig at bigla akong tinitigan ng masama.
“Gago ka talaga,”
Hindi na ako nakapagsalita dahil halos maiyak ako sa tawa.
Pero sa lahat ng mga nangyari ng gabing iyon, isang pagkakamali ang nagawa ko na hinding-hindi ko makakalimutan.
Dahil matapos ang inumang naganap ng gabing ‘yon, nakita ko siyang lumabas sa kung saan nangyayari ang birthday party ng isa namang kaibigan. Nagpaalam ako sa mga kasamahan ko na lalabas lang ako saglit para sana ay magpahangin para mawala ang medyo hilo ko ng utak dahil sa alak.
Hindi naman ako pinigilan ng mga kasamahan ko at pinaalis na ako sa kinauupuan ko. Tinawag pa ako ng isa sa malapit kong kaibigan na may alam ng lahat, yung tingin na para bang may nagbibigay ng paalala sa kung anong gagawin ko. Grabe naman? Mukha ba akong may gagawing masama?
Nginitian ko na lang ito at napapailing na lang niyang inalis ang tingin sa akin. Dumeretso ako sa labas at agad na hinanap ng mga mata ko ang taong ‘yon. Mukhang nawala na siya sa paningin ko? Sayang lang… gusto ko pa sana siyang makausap.
Nanatili muna ako saglit sa labas habang nagpapahangin at nagpapawala na rin ng antok at kalasingan ng may bigla akong narinig na pamilyar na boses na malapit sa akin. Otomatikong bumukas ang mga mata ko sa pagkakapikit at hinanap kung saan nanggagaling ang boses na narinig ko.
At doon… sa likod ng bahay kung nasaan siya lang ang mag-isa habang may kausap sa cellphone na hawak-hawak. Pansin ko na galit ang tono ng bawat salitang lumalabas sa bibig niya, hindi ko alam kung ito ang tamang oras para gawin ang nais ko.
Napalunok ako, napakagat sa sariling labi at napakuyom para pigilan ang sarili kong wag siyang lapitan ng marinig ko mula sa bibig niya na ang kausap niya ay ang… girlfriend niya.
*Hindi pa ako nag-uumpisa… game over na agad?*
Hindi ko na hinintay pang matapos ang pakikipagusap niya sa kung sino man ‘yon dahil agad na akong bumalik sa loob. Hindi ko alam pero… sa oras na bumalik ako sa loob… iinom ako hanggang sa makatulog na lang ako sa sobrang kalasingan dahil sa alak.
Makalimutan ko lang ng saglit ang sakit na nararamdaman ko.
×××
Two days after, nalaman ko na lang sa kaibigan ko na nag-break pala sila ng girlfriend niya ng gabing ‘yon. Nang gabing makita kong may kausap siya sa kabilang linya, nung gabing halos lunurin ko ang sarili ko sa alak dahil sa sakit.
Tapos malalaman ko na nakipag-break pala ang girlfriend niya sa kaniya?
Pero kailangan ko bang maging masaya? Ngayong wala ng taong nagmamay-ari sa kaniya?
“Hey? Ano? Itutuloy mo pa rin ba?” Bumalik ako sa ulirat dahil sa narinig kong tanong ng kaibigan kong hanggang ngayon ay nasa kabilang linya pa rin pala.
Akala ko naibaba ko na yung tawag.
“Hindi na,” sagot ko at sumimsim sa kapeng nasa harap ko.
“Huh? Hindi ba patay na patay ka sa kaniya simula nung college pa tayo? Tapos ngayong wala ng bumabakod biglang ayaw mo na?” Bigla akong napaisip sa sinabi niya.
Pero kasi… pakiramdam ko iyon yung tamang gawin. Masaya ako… pero at the same time… hindi.
Ayokong malaman niyang gusto ko siya.
Ayokong malaman niyang matagal na akong may pagtingin sa kaniya.
Ayokong malaman niyang matagal ko ng gustong sabihin sa kaniya kung anong nararamdaman ko.
Pero natatakot akong malaman niya… na lalaki ang nagkakagusto sa kaniya.
Lalaki tapos matagal na siyang gusto? 5 years?
Limang taon na ang lumipas at siya pa rin ang gusto ko.
“Alam mo naman kung bakit hindi ba?” Malungkot kong sabi dito. “Hindi niya ako matatanggap, kaya ititigil ko na lang. Pero masaya ako para sa kaniya… sobra.” dagdag ko.
Maliit na ngiti ang sumilay sa labi ko ng masabi ko ‘yon sa kaibigan ko. Narinig ko namang bigla siyang napabuntong-hininga sa kabilang linya.
“Oh, sige. Kung yan ang desisyon mo. Pero kung mangyari man na mag-iba ang isip mo at tuluyan ka ng umamin, susuportahan kita sa desisyon mo. Sige i need to hung up na. Lumabas-labas ka din okay? Bye!” Hindi na niya ako hinintay na magsalita ng bigla niyang ibaba ang tawag.
*Ang bastos talaga nito minsan.*
Inilapag ko sa lamesa ang cellphone ko at humilig doon habang nakatitig sa tasa na may lamang kape. Dalawang araw na akong hindi lumalabas ng bahay ko… magmula ng marinig ko ‘yon mula sa kaniya.
“Kailangan ko ba talagang lumabas? Hindi ba pwedeng dito na lang ako sa loob ng bahay?” mahinang bulong ko at ginulo-gulo ang buhok ko.
Alam kong nasasaktan ako. Pero ang dapat kong gawin ay ang maging masaya hindi ba? Paano kung isa siya sa kasiyahan ko? Ay bwiset! Lalabas na lang talaga ako!
Kinuha ko ang jacket sa kwarto ko, ang susi ng bahay at ang cellphone ko. Lumabas ako ng bahay na hindi alam kung saan pupunta.
Bahala na.
×××
Dumeretso na lang ako sa isang park na malapit lang sa bahay ko. Tama nga ang kaibigan ko, dapat lumabas-labas rin ako dahil naging maayos na rin ang pag-iisip ko.
Agad rin akong umupo sa isang bench doon, mabuti na lang at kaunti lang ang taong nandito magiging payapa ang isip ko. Ilang minuto palang akong nakatambay doon ng may humintong tao sa gilid ko.
Dahil sa pagtataka ko kung bakit siya huminto sa tabi ko ay agad ko itong nilingon. Nang tingalain ko naman ito para makita ko ang mukha nito ay doon dahan-dahang nanlaki ang mga mata ko ng makilala ko kung sino ito. Ang mga kamay kong nakatago sa bulsa ng jacket ko ay naikuyom ko na lang bigla dahil… mas gugustuhin ko na lang na hindi ko siya makita dito.
“Kiel?” Tawag niya sa pangalan ko.
Napalunok ako at kinagat ang labi ko sa loob ng bibig ko dahil naramdaman ko bigla ang pagkirot ng dibdib ko.
“O-oh? Miggy! Ikaw pala yan!” Balik ko dito at agad na ngumiti.
*Tiisin mo muna Kiel… matatapos din ito.*
“May kasama ka ba?”
“Ay wala akong kasama. Ikaw?”
“Ako? Wala rin Hahaha! By the way? Pwede bang makiupo sa tabi mo?” Tumango naman ako at medyo umusog para makaupo siya.
“Uhh? Okay na umusog ka ng konti palapit sa akin para naman hindi tayo mag-tropa.” Sagot niya at biglang tumawa.
*Putangina? Tropa? Hindi tropa ang tingin ko sayo, Miggy.*
Tumawa din ako at medyo umusog palapit sa kaniya. Kaya nga ako umusog palayo sa kaniya kasi ayokong magdikit kami, kahit na anong mangyari… ayokong magdikit kaming dalawa.
Binalot kami ng katahimikan pagtapos ‘nun, nakatingala lang ako sa madilim na langit at hindi ko siya binigyan ng pansin. Nandito ako dahil gusto ko ng maging payapa ang isip ko tapos makikita ko siya dito?
Ano ba ‘to karma?
Napapikit ako dahil sa inis na nararamdaman ko ng bigla siyang magsalita sa tabi ko.
“Ah, Kiel? Ayos ka na ba?” Tanong niya sa akin kaya agad ko siyang nilingon.
Kung ang tanong mo kung maayos ba sa aking hindi sabihin sayo ang totoo o baka may iba pang dahilan?
“Ako? Oo naman, maayos naman ako. Ikaw?” Balik ko dito.
Bigla niyang inalis ang tingin niya sa akin at napunta iyon sa hawak niyang bote.
“I mean… yung araw na nalasing ka? Two days ago?” Dahil sa tanong niya ay bigla akong tinamaan ng kaba.
Ang naalala ko lang ng araw na ‘yon ay bumalik ako sa loob at tinungga ang isang beer na kakabukas palang nila. May another round pa pala ‘nun pagtapos kong umalis saglit at matapos ng pag-inom ko ‘nun ay hinila ko si Philip na kaibigan ko para magsayawan kami sa gitna ng sala.
Hanggang sa… hindi ko na alam ang sunod na nangyari.
“Ha? Ano syempre maayos na ako! Ako pa ba?” Patay malisya kong sagot dahil nagsisimula na akong mag-panic sa loob ko dahil… wala akong maalala sa mga nangyari ng gabing ‘yon!
Sobrang sakit ng ulo ko at buong katawan ko ng magising ako ng gabing ‘yon tapos nakita ko na lang nasa bahay na ako habang si Phillip nasa sala ng bahay ko at natutulog sa sofa.
Tinanong ko si Phillip kung anong nangyari sa akin ng gabing ‘yon dahil wala akong maalala. Pero ang bruha ang sabi lang niya wala rin siyang maalala dahil knockout na siya sa sofa matapos naming sumayaw.
*Tangina? Ano bang nangyari sa akin ng gabing ‘yon?!*
×××
Nagulat na lang ako ng bigla siyang tumawa habang nakatingin sa hawak-hawak niya.
“Lasing na lasing ka kasi ng gabing ‘yon… tapos umiiyak ka pa habang sumusuka.”
What the fuck?!
“Akala namin kaya mo yung alak na iniinom mo, tsaka nagtaka na lang kami kasi bigla ka na lamg umiyak matapos mong sumuka. I mean… umiiyak ka na pala ‘nun habang sumusuka hanggang sa matapos kang sumuka.” Nilingon naman niya ako at saka ngumiti. “Tinanong ka namin kung anong problema pero hindi ka sumasagot, ang ginagawa mo lang ay hinahampas mo yung dibdib mo at sinasabi mong sobrang sakit.” biglang nawala ang ngiti sa labi niya.
“Akala namin kung anong nangyayari sayo ng gabing ‘yon, hanggang sa banggitin mo yung pangalan ko.”
Mas tinamaan na ako ng kaba ng banggitin niya ‘yon sa akin.
Kailangan ko ng makaalis dito. Hindi ko na hihintayin pa ang mga susunod niyang sasabihin. Kailangan kong gumawa ng paraan.
Magsasalita sana siyang muli ng bigla akong napaayos ng tayo at inilabas ang phone ko at nagkukunwaring nag-text sa akin si Phillip na nasa bahay daw siya.
“Ah, Miggy? Pasensya na sa kung anong nagawa ko o kung may ginawa man lang 2 days ago pero need ko na kasing bumalik sa bahay eh, nandoon kasi si Phillip sa harap ng bahay ko hinihintay na pagbuksan ko, ayos lang ba? Una na ako ah ? Bye! Ingat ka sa pag-uwi!” Sunod-sunod kong sabi at mabilisna tumayo at naglakad palayo sa kaniya.
Kailangan kong makalayo, kailangan kong makalayo sa kaniya, kailangan kong—nagulat na lang ako ng may biglang humila sa braso ko dahilan para bigla akong matigilan sa paglalakad.
Nanlalaki ang mga mata kong lumingon at si Miggy lang naman ang pumigil sa akin sa paglalakad. Sa gulat at mabilis kong iwinaksi ang braso ko sa pagkakahawak niya. Muli akong napalunok at malakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa kaba at takot sa mga susunod niyang sasabihin sa akin.
Sa kung anong nangyari ng gabing ‘yon… o kung ano man!
“A-ah… kailangan ko na talagang umalis Miggy—” napahinto ako sa pagsasalita ng may pinindot siya cellphone na hawak niya at ng ilagay niya iyon sa tenga niya.
“Hello, Phillip? Nasa harap ka ba ng bahay ni Kiel?” What?!
“Huh? Anong nasa harap ng bahay nila Kiel? Nasa bahay ako ng mga magulang ko hello? Ba—” pinatay na nito ang tawag matapos malaman ang sagot sa tanong niya.
Naka-loudspeaker ito at rinig na rinig ko ang boses at sagot ni Phillip sa kabilang linya. Humigpit lalo ang hawak ko sa cellphone ko at mas tumindi ang pagkakakuyom ng isang kamao ko dahil sa panginginig.
Huh… ito na siguro yung hinihintay kong pagkakataon?
“Nang banggitin mo yung pangalan ko, nagtaka ako kasi baka may kailangan ka sa akin o ano pa man…” pagtutuloy niya sa sinasabi niya kanina. “Tinanong ko kung may kailangan ka sa akin… pero hindi mo ako sinagot at nakatingin ka lang sa mga kamay mo habang nakaupo sa semento. Hinihintay din ng mga kasamahan natin ang sasabihin mo pero…”
“Pero ano?” Tanong ko habang nakayuko sa harap niya.
“Sinabi mo sa akin na ang sakit… na ang sakit ng dibdib mo, na sabi mo sana ikaw na lang…” napapikit ako sa huling sinabi niya. Hindi ko alam na dahil sa alak bigla kong sasabihin ang mga walang kwentang salitang ‘yon sa harap niya?
“Sa totoo lang Kiel hindi ko naiintindihan—”
“Miggy, gusto kita.” matapos kong sabihin ‘yon ay huminga ako ng malalim at sinalubong ang gulat niyang mga mata.
Nakatitig lang siya sa akin habang nanlalaki ang mga mata niya.
“H-ha?”
“Gusto kita. Kung ano man ang mga pinaggagagawa ko ng gabing ‘yon, humihingi ako ng pasensya.” seryosong sagot ko.
Pinipilit kong tatagan ang mga tuhod ko dahil nararamdaman kong pati sila ay nanginginig na dahil sa bigla kong pag-amin sa lalaking nasa harap ko.
Sa lalaking matagal ko ng gusto.
Huminga muli akong malalim matapos kong makita ang oras sa suot kong relo saka ko siya muling tinignan.
“Mauna na ako, malalim na ang gabi. Ingat ka sa pag-uwi, Miggy. Salamat.” Iyon ang huling sinabi ko bago ako tumalikod mula sa kaniya.
Muling kumirot ang dibdib ko… ito ang unang beses na kakalimutan ko ang lahat. Lalong-lalo na siya.
Hindi pa man ako tuluyang nakakalayo ng isigaw niya ang pangalan ko dahilan para mapahinto ako.
“Kiel!” Pinigilan ko ang sarili kong wag siyang lingunin.
*Wag mong hahayaang dahil lang sa isang tao… ay mawawala lahat ng pinaghirapan mo.*
Hayaan mo na ako, Kiel… nasabi ko na eh… hayaan mo na akong umalis. Please?
“Hindi mo ba ako tatanungin?” anong… tatanungin?
Huminga muli ako ng malalim at lumingon ng kaunti sa kaniya, pero hindi ko inaasahan na nakayuko na siyang nakatayo kung saan ko siya iniwan kanina. Napatingin ako sa kamay niyang parehas na naka-kuyom…
“Kiel… hindi mo ba ako tatanungin?”
“Anong tanong ba ang gusto mo? Gusto mong itanong ko sayo na sana gustuhin mo rin ako dahil gusto kita?”
“OO!!”
×××
HUH?!
Nagpapatawa ba siya?! Anong akala niya sa akin? Desperadong gustuhin niya ako dahil gusto ko siya?! Hindi ako ganung lalaki!
“…Dahil gusto kita!” muntik ko ng mabitawan ang cellphone ko dahil sa isinigaw niya.
Bigla na lang akong napatingin sa mga taong napalingon sa pwesto naming dalawa, ang iba sa kanila ay nagbubulungan na at naglalabas na ng mga cellphone dahil akala nila siguro ay nagkakaroon na ng kumosyon sa pagitan naming dalawa.
Kahit na parang hindi niya alam kung anong pinagsasasabi niya ay bigla ko na lang siyang hinila palayo sa lugar na ‘yon. Sobrang nakakahiya ang ginagawa niya!
“T-teka Kiel, hindi pa ako tapos—” hinigpitan ko pa lalo ang kapit ko sa kamay niya at masama siyang nilingon.
Ramdam ko ang hiya sa paligid tapos sasabihin niyang hindi pa siya tapos?! Seriously?! Mas lalo kong ginustong makalayo sa lugar na ‘yon dahil kung hindi ko ginawa ‘yon mas matinding kahihiyan ang mangyayari!
Hinila ko siya hanggang sa makarating kami sa isang tahimik na daan kung saan huminto kami parehas sa isang poste ng ilaw. Malapit na lang dito ang bahay ko kaya… dito ko na lang inisip na dumeretso para makalayo.
“Kiel—” binitawan ko ang kamay niya at inayos ang jacket ko habang nakatalikod pa rin sa kaniya.
“Malapit lang dito ang bahay ko, alam ko namang alam mo kung paano umuwi hindi ba? Ingat ka.” huli kong sambit bago maglakad palayo sa kaniya.
Pero nakakadalawang hakbang palang ako sa kaniya ay nagsalita siyang muli.
“Hindi mo ba… naintindihan ang sinabi ko kanina, Kiel?” napakuyom akong muli. Dumagundong ang puso ko sa kaba dahil ngayong kami na lang dalawa ang nandito… hindi ko alam kung kaya ko pa bang pigilan ang sarili ko.
“Kiel gusto kita.”
“Wag kang magbiro—”
“So ang tingin mo sa mga sinasabi ko ngayon sayo ay biro lang? Kiel… hindi mo alam kung gaano ko kagustong sabihin sayo itong nararamdaman ko, hindi mo alam kung ilang beses kong pinigilan ang sarili kong ikulong ka sa mga bisig ko at angkinin ang mga labi mo… hindi mo alam kung paano—”
“Seriously, Miggy? Sasabihin mo pa rin talaga yan sa akin?” naiinis kong turan dito dahil… dahil hindi ko siya maintindihan!
Paano niya nasasabi ang mga ‘yon sa harap ko? Lalaki ako! Hindi niya pa rin ba maintindihan ‘yon?!
“Oo… kasi gusto kita—”
“Miggy! Pwede ba!” sigaw ko pabalik dito. Nasasaktan ako. Nasasaktan ako dahil sa sakit na bumalatay sa mukha niya ng isigaw ko ‘yon sa mukha niya.
“Kiel… kahit na anong sabihin mo, gusto pa rin kita!”
“Miggy, pareho tayong lalaki! Nababaliw ka na ba?! Naiintindihan mo naman siguro yung punto ko dito!”
Biglang napalitan ng kaseryosohan ang mukha niya.
“What? Ano namang paki nila kung parehas tayong lalaki? Hindi ba pwedeng magmahal ang dalawang may parehas na kasarian? Kiel… kakasabi mo lang na gusto mo ako tapos… sasabihin mo ‘to?” Nanlaki na lang ang mga mata ko ng bigla siyang naglakad palapit sa akin at biglang hinawakan ang mga balikat ko.
“Kahit na anong mangyari… kahit na ano mang sabihin nila… pipiliin kita dahil ikaw ang gusto ko.” pagtapos ‘nun ay bigla na lang siyang napayuko sa harap ko at malalim na buntong-hininga ang inilabas niya.
“Hindi ko alam na ganito pala… ang pakiramdam kapag umamin ka sa isang tao lalo na kung ang taong ‘yon ay matagal mo ng gusto.” bigla siyang natawa at biglang tumingin sa akin.
Nang tignan niya ay mukha ko ay biglang napalitan ng gulat ang mukha niya. Bigla niyang hinawakan ang mukha ko… mukha kong puno na ng luha.
Oo… sabi ko baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko lalo na’t kami na lang dalawa ang nandito. Malinaw kong narinig ang mga sinabi niya. Maa malinaw pa sa sinag ng araw.
“W-why are you crying?” tanong niya habang pinupunasan ang mukha kong puno na ng luha galing sa mga mata ko. “May nasabi ba akong mali? Ha? Ano ‘yon? Sabihin mo, Kiel… wag ka na umiyak please…” he was pleading to me to stop crying but I can’t help myself…
He liked me too… ngayon lang nag-sink in sa akin ang mga nangyayari. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at bigla na lang akong napayakap sa kaniya, akala ko ay itutulak niya ako palayo sa kaniya but he hugged me back.
He hugged me back tightly. I’m fit in his arms.
“I’m sorry. Kung may nasabi man akong hindi mo nagustuhan o may nagawa kahit hindi ko maalala… please forgive me…” he sweetly said to me at naramdaman ko na lang na hinalikan niya ang ulo ko.
Hindi ko na kaya… kanina pa nanginginig ang mga tuhod ko sa kaba at takot dahil baka kapag nalaman niyang gusto ko siya ay ipagtulakan niya ako palayo. Pero hindi iyon nangyari… imbis na ako ang magsabi sa kaniya ng mga salitang lumabas mismo sa bibig niya, ay siya na ang nagsabi ‘nun para sa akin.
We like each other… hindi ako makapaniwala. Dahil hindi ako makapaniwala nawalan na ako ng balanse at biglang napaupo sa sahig, dahil doon aligaga naman ang isa na tanungin kung ayos lang ba ako o hindi…
Pero alam niyo ba kung anong sinagot ko sa kaniya habang tumutulo ang mga luha ko?
“Gusto kita, Miggy… gustong-gusto kita…”
Natawa naman siya at pinunasan niya ang panibagong luha na lumanda sa pisngi ko.
“Gusto rin kita, Kiel. Gustong-gusto kita…” at pagtapos ‘nun ay hinalikan niya akong muli sa noo ko at saka kami nagtawanan dahil sinabi ko sa kaniya na baka hindi ako makalakad dahil sa panginginig.
Inlalayan niya ako papunta sa likod niya at doon… pinasan niya ako hanggang sa makauwi ako sa bahay.
Sa totoo lang… hinihiling ko noon na what if he only knew? What if they only knew? Pero sa ngayon kung ano man ang nakuha ko… masayang-masaya na ako doon.
Masaya na ako.
×××END×××
Mga haliparot! Nangiinggit! Charot! (≧▽≦)
hahaaahahahah hoy